Exhibition

current

Pinagbuhatan ng Kamay, Dila, Laway, atbp.

Neo Maestro

July 30 - September 12, 2020

-

Isinulat ni Jojo Maestro

Mahalaga ay paano kontrahin ang kakayahan ng mga aswang.

Saan nga ba mas marami ang mga aswang?

Sa Antique ba o sa Capiz?

Isantabi muna natin ang Siquijor.

Ayon sa ilan, mas marami sila sa Iloilo.

Dito man sa Maynila ay mayroon nang mga dumayo.

Ang payo raw kapag sa lugar nila’y napadaan,

‘Huwag kang magpapaábot ng gabí.’

Hangga’t maari huwag tumigil kahit man lámang ilang sandali.

Iilan lámang ang sa sementeryo mabibilang ang nakalibing.

Ikà nga ng isang taga-roon, ‘kulang pa gani sa konsumo!’

Noong ako’y umuwi sa Antique,

madalas ako payuhan na kay T__ ay umiwas.

Ang aswang na nananatiling makamandag.

‘Umiwas ka kay T__!’ , ‘Umiwas ka kay T__!’

‘Oo, oo na!’

Pero paano ka iiwas, hindi mo nga alam ang hitsura ng mukha?

Madalas mapuna ng mga bagong salta na ang Antique ay

walang paliparan.

Ang madalas na sagot ‘bawat bahay sa Antique

may kaniya-kaniyang paliparan sa likod ng bakuran!’

Ang airport daw ay ‘fly-by-night’, sabay ngisi.

Dumating ang takdang araw ng paghaharap.

Isang umaga sa baybay, aking natanaw, isang matanda na paikot-ikot sa mga bangka ng mga

mangingisda.

Siya ay napalingon at nagsalúbong ang aming mga titig.

Naku, aswang yata ang matandang may hawak na payong!

Dahan-dahan siyang lumapit sa aking kinauupuan.

Ano ang aking gagawin? Tumindig na ang aking balahibo.

Bakit naman kasi, umaga pa lámang

pagala-gala na ang mga aswang!

Wala pa naman ang sundang sa aking baywang.

Mabilis akong napatayo mula sa aking pagkakaupo.

‘Huwag ipahawak ang bumbunan.’

Pilit kong inalala ang ‘Aswang Protocols’ ng aking pamilya.

Tinapik niya ako sa tuktok ng ulo, sabay tanong, ‘Iho, nasaan ba ang mga isda?’ Agad-agad kong

ibinalik ang tapik niya at sabay sinabi na, ‘Ayan lámang sa iyong tabi!’

Kapansin-pansin ang kaniyang patagong ngiti, ang dila’y nakasilip sa labìng nakangiwi, wari mo’y

sinasabing, ‘marunong ito, ibinalik agad ang aking pagtapik.’

Madalas na paalala ng mga matanda roon, ‘huwag mong ipahahawak sa iba ang bumbunan mo,

iyan ang pinakadelikadong parte ng iyong katawan.

‘Kapag ikaw ay tinapik, ibalik mo agad. Kung hindi, maaari kang magkaroon ng kakaibang sakit.’

Kumbaga, ibinabalik mo lang ang gusto ng aswang itanim sa iyo.

Kahit dito sa Maynila, anak, itinuro’t ipinasa ko ito sa iyo.

Malungkot ang sitio namin sa Antique.

Alas-sais pa lámang ay wala nang koryente.

Oras na upang mag-umpukan ang mga nangingisda’t nagsasaka.

Sa mesa ay kaharap nila ang mga botelya ng ‘White Castle’ at ang inuming tuba.

Madalas na ‘sumsuman’ (pulutan) ay inihaw na isda.

At kapag inuman ay napapahaba, sinusungkit ang manok ng kapitbahay na natutulog sa sanga.

Simpleng pamumuhay, ika nga.

Nagsusunóg ng balat sa araw, kaharap

ang lupa o ang dagat.

Sa gabí, ang kastilyong puti ang kasalo.

Lahat ay may báon na kuwento, sa tumpukan, nais ng bawat isa na sila ang bida.

Bago sumapit ang hatinggabi, bumulong sa tainga ko ang pinsan ko.

Kami raw ay sisilip sa bahay ni T__, ito raw ay ipakikita sa akin.

Nagkalásan na ang mga manginginom, umiikot na ang paningin,

naibaón na naman sa alak lahat ng kanilang mga suliranin.

Larga na kami patúngo sa bahay ni T__.

Pinsan ko ay pasuray-suray.

Ang lakad ko naman ay urong-sulong.

Wari mo ay nagpapandanggo kami.

Bigla kong naisip, pupunta kami sa bahay ng aswang, wala man lang daláng sibat o sundang!

Mabilis na gumapang ang pinsan ko sa ilalim ng bakod na kawayan.

Sumunod ako.

Gumapang siya sa hardin ng tuyot na mga halaman.

Gumagapang na rin ako, sumunod nang dahan-dahan.

Aming natanaw sa gilid ng bukas na pinto.

Mayroong isang bungo na may nakasinding kandila sa tuktok.

May ritwal ba na nagaganap?

Ngunit wala namang makitang mga tao sa kapaligiran.

Dito namin narinig ang malakas na huni ng tiktik.

‘TIKTIKTIKTIKTIKTIKTIK!’

Kapag malakas ang huni ng tiktik ay malayo pa ang aswang, paliwanag ng aking pinsan na puti na

ang mukha dulot ng alikabok ng tuyot na hardin. ‘NGIYAWWWWWWWW!!’ Tumambad sa aming

harapan ang apat na pusang itim na kasing laki ng aso.

Ang bahay ay may mga bantay!

Muli naming narinig ang huni ng tiktik.

Mas mahina na, wari naming pati ang hangin ay biglang tumigil upang mas madalîng matukoy ang

aming kinalalagyan.

Bumaón ang mabigat na tákot sa dibdib ko.

TAKBO! Sigaw ng pinsan ko.

Humaripas kami ng takbo palabas ng bakuran.

Kinabukasan, nagsusumigaw ang pinsan ko.

Inaawat, hawak-hawak ang kaniyang itak.

Nag-aapoy sa lagnat ang kaniyang panganay na anak.

Dinapuan daw ng sakit, hindi lang sinat.

May kinain daw na bigay ng kapitbahay.

Maaaring hinaluan ni T__ ng kaniyang laway.

Mahirap ipaliwanag.

Ang hulí kong balita kay T__ ay ipinasa niya ang kaniyang kapangyarihan sa kaniyang anak na pa-Maynila na bago siya mamatay.

Laging may pasahan sa usapin ng mga aswang.

Pása-pása ang kapangyarihan, kaalaman at maging ang karamdaman.

Umiikot, pumupulupot at kalayuna’y pipirmi,

tapos kakawala na naman at mag-iikot.

Pása-pása kayâ paulit-ulit.

Tuloy-tuloy lang ang linyang karga’y malalim na antak at hapdi.

Mahabang panahon na ang lumipas nang mangyari ang kuwento ko.

Naalala ko lang ngayong gabi dahil sa mga kakaibang kalabog at kaluskos sa bubong nating yero.

Kumukulo na ang langis sa botelya, tingnan mo.

May mambubulabog.

Sa itaas, sa dilim, malamáng siya’y nakangisi sa kaniyang puwesto.

Ayan, tingnan mo, tumindig na ang aking balahibo.

(Bilis!)

Nariyan ang sundang sa ilalim ng lababo.

Itaga mo sa walang-hiya kapag siya’y bumaba!