Exhibition

previous

Pamumuhunan: Ganansiya ng Pagkawasak

Frances Abrigo

February 22 - March 24, 2018

Gallery 2

Dalumat
Higit pa sa paglalarawan, pamimintuho sa kasalakuyang estado ng Filipinas ang gustong isangguni ng manlilikha ng Pamumuhunan: Ganansiya ng Pagkawasak. At ang kauna-unahang kailangang maintindihan ng mapanuring mga mata sa opus na ito ay ang dalumat ng muling pagkabuo.

Nakasalalay sa malikhaing kamay ang pagpapagitaw ng sining-biswal sa kambas gamit ang karaniwang materyal sa paghihinang ng tingga. Payak, kung tutuusin, ang rekisito ng pagsusunog ng mga detalye ng bawat imahe upang magkaroon ng kawalan.

Tinatangkang sipatin ng manlilikha ang bertud ng paglusaw. Lalong inilalapit sa paningin ang malayong karanasan ng pagkagiba’t pagkaguho ng mga mosque. Masisilip ang butas-butas na pader mula sa daan-daang gusaling tinagusan ng mga bala dahil sa kirurhiko na atake mula sa himpapawid. Kagyat tumatapik sa ilong ang samyo ng nangutim na telang may mukha ng mga residenteng napilitang lumikas mula sa distrito.

Nasa tagapagmasid ang tiyak na pagpaparaya para maligaw sa sarili niyang imahinasyon. Maaaring bantayan ng tumitingin ang kanyang nakikita at hindi nakikitang pamamawis ng mga palad sa proseso ng paggawa at pagkahilam ng mga mata dulot ng usok. Iyon mismo ang simbolo ng terorismo. O ng mga tunggaliang nagsasalimbayan sa paglundo ng mga kambas kapag binatak at ikinabit sa balangkas.

Hindi pagbalikwas kundi pagmulat ang akto para aninawin ang ganitong uri ng diyalektiko. Hinahayaan ang anumang obserbasyon para matukoy ang kontradiksiyon ng parang-wala-naman-talaga tungo sa dating-naririto-ngunit-parang-wala-na.

Maraming maaaring intindihing pahiwatig dahil sa pagkukulang ng kaalaman sa mga naganap, na para bang pag-uulit ng Jihad (Holy War) sa Dansalan na kilala ngayon bilang Marawi. Sa ganitong silip, isinasangkot ng eksibisyon ang sinumang titingin mula sa malayo – nakadistansiya – ngunit tila handang mapatulala at tahimik na mag-imbak ng gunita.

Marahil, nasa titulo mismo ang pagiging kongkreto ng proyekto, ganoon na rin ang pagiging abstrakto: namumuhunan ang manlilikha gamit ang konsepto ng guho’t tira-tira, namumuhunan ang bansa mula sa napipintong pagpasok ng mga negosyo na hindi mismo ang mga Filipino ang makikinabang.

Kakanyahan
Nagmimistulang pangungumbida ng mga tagahusga ang ganitong mga likhang-sining. Kung sentro ng usapin ang giyerang tumiim sa distrito ng Bongolo sa Marawi, di-magkandaugaga ang mga meron sa pagsasalsal ng mga haka-haka kung ano ang kahihinatnan ng nilipol na lungsod.

Pumuposisyon, sa kabila ng lahat, ang mga alagad ng sining para tuligsain ang naganap. Halatang halata ang talinghaga ng ‘pag-ani’ sa Mindanao, hitik sa pagiging moog ng kultura at transportasyon. Parang pagpapatag ang layon ng pagkubkob sa kalikasan, sa pusod ng sibilisasyon.

Kaya’t mahirap mapagdudahan kung bakit may bahid ng ginto at pilak ang mga obra sa kalipunang ito. Mahihinuha ang puwersa kung bakit may paglalarawan ng paglikas ng mga sibilyan para iligtas ang sarili at magtago sa ibang lugar dahilan para iwanan ang kanilang sariling lupa. Mayroon ding pag-aagawan para makakuha ng kalakal na pangkaluwagan laan sa kung ilang buwan nang mapagkasya ang sarili sa inindang uhaw at gutom. Lantad sa biswal ang kumpol ng mga pagluluksa na pinipilit tigisin ng mga nagsisipagdasal sa kanilang mga palad na ipinagdaop.

Kabilang din ang imahe ng mga sundalong nanunugis sa Maute Group at sa Abu Sayyaf na nagpakilala pa bilang kabahagi ng ISIS o “Islamic State in Iraq and Syria”.

Sa una’y magsisilbing ornamento ang mga disenyo, ngunit kung magbababad sa pagtingin sa obra, magkakaroon ng sariling extraction ang buradong imahen. Nagiging matingkad ang militarisasyon at pandarahas sa mga komunidad. Nagiging masiklab ang armadong komprontasyon. At ang lahat ng ito ay nasa balita lamang natunghayan. Ano pa ba ang mabisang pagpapadama ng ganitong sitwasyon bukod sa dyornalismo?

Parang butas na anino ang kombinasyon ng itim at abo – sa pinakasinserong timpla ng putik, semento, at uling. Ang ganitong naturalesa, sa halip na mag-angat ng sarili sa pedestal, ang siyang nakapagpapatuntong sa lupa ng mga paa ng manlilikha. Siya, kasama ang mga gawa, ay halatang batid ang karahasan at takot at paninindak sa rehimeng Duterte. Kung gayon, siguro’y kailangan talagang maging tagapagpamahagi ng mensahe (hindi maging isang propeta ng kontemporaryong sining-biswal) para ipresenta ang dati nang nangyari: paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan – iligal na pag-aresto, pagdukot, pagtortyur, at ekstrahudisyal na pagpaslang. Imbes na mawala ang katotohanan, masasalat ang katuturan ng mga natira – midyum ng pag-iral dahil tekstura ang hindi dapat malimutang elemento ng sining. Ito ang kaka(n)yahan ng mga kabilang sa kalipunang malay sa pagiging progresibo, kundi man subersibo.

Pagsasaalang-alang
Di-matatapos ang pangungumpisal ng mga sining-biswal sa mga kamay ng bibili ng mga ito. Dito nagsisimulang magsumiksik sa kamalayan ang himutok ng Pamumuhunan. Isang pagkonsumo ang pag-ako ng materyal, pag-ako sa hibla ng kasaysayang nakakatig sa digmaan ng Filipinas.

Ang estratehiya’y nananatiling estratehiya kapag walang aktuwalisasyon. Pati sa sumbatan ng tama, naroon ang panlalamang sa mga kapuwa, sa sariling bansa. Kaya’t ganoon na lamang ang pagsusuri sa mga piyesa sa representasyon ng nangyari at mangyayari kapag nakumpleto ang suspensyon ng writ of habeas corpus sa LuzViMinda.

Sa panahong nagiging bakal ang kamay ng kasalukuyang pangulo, natututo ang bawat alagad ng sining upang maging marahas – pagkakitaan ang hindi nakita. At dahil nagiging manhid ang mga burgis sa pagkatas sa halaga ng pera, nababahag-na-buntot-ng-aso ang moralidad.

Nilikha ang Pamumuhunan: Ganansiya sa Pagkawasak para ipamukha sa mga tao ang kuwento sa likod ng tabing sa Mindanao at hayaang makialam ang titingin sa usapin ng krisis, hiwalay pa ito sa espirito ng separatismo. Isa pa, para tingnan at suriing mabuti ng manlilikha ang sarili niya sa konteksto ng kanyang pagiging artista. At sa usapin ng mga piyesa naman, sana’y may mamuong katanungan sa isip ng mga hindi-Taga-Mindanao kung bakit nangyayari ang mga ganitong uri ng sigalot at kung ano ang ugat sa lahat ng mga naganap.

Sa pagganap bilang nakikialam, lumalampas sa estetiko ang nais isaalang-alang ng manlilikha. Kung usapin ng nilalaman at anyo, napakaraming materyal ang maaaring gamitin para isabit sa mga galeriya. Pero bakit isyung panlipunan pa? Hindi lang kasi pagpapa “cute” ang pagiging biswal na artista. Karaniwang tao lang din na naaapektuhan ng mga nangyayari sa pang-araw-araw.

Bakit nga ba kailangang pagkakitaan ang materyal na ito? Muli, sinasagot ito ng pamagat. Na ang mismong pamumuhunan ay isang taktikal na paraan para magsuri sa pasismong itinatampal ng rehimeng Duterte, na sa pala- palagay ay bunsod ng pakikinabang ng US.

Masakit magturo ang kasaysayan. Naniningil ang katotohanan kapag buong bansa na ang ipinagbili sa mga dayuhan, hanggang sa maging dayuhan ang mga Filipino sa Filipinas.

At kung may nais mang ituro ang sitwasyong ito, siguro’y ang kumikislap na pagkakaisa ng Kristiyano at Muslim sa hinaharap. Dahil nagmamadali ang panahon, inuumpisahan na ito ng mga manlilikha, malamang sa malamang.